Tuesday, 20 March 2018

Pagsusuri sa Tulang "Sandaang Hakbang Papuntang Malakanyang" ni Frank Cimatu


Pagsusuri sa Tulang
“Sandaang Hakbang Papuntang Malakanyang”
Ni: Frank Cimatu

Sandaang
Hakbang
Papuntang
Malakanyang
Dala ng
Nakapinta’ng
“Pamahalaang
Suwapang,
Kinawawa’ng
Bayang
Walang
Kamuwang-
Muwang!’
Nang
Biglang
Naalalang
Naiwang
Nakasalang
Ang
Sinigang
Sandaang
Hakbang
Pahalang
Habang
Nakikipilang
Makausisa’ng Manang
Nang
Bang!
Bang!
Bang!
Nakitang
Parang
Umilandang

Ang
Ilang
Kasamang
Hinahambalang
Ang
Isang
Awayang
Iisa’ng
Nakakalamang
Ilang
Rumaragasang
Kapulisang
Sindarang

Ang
Pulutang
Maanghang,
Pinagbabatuta’ng
Magsasakang
Nakadala’ng
Sundang.
Nagbubulagang
Peryodistang
Walang
Kinikilingang
Kumikinang
Hanggang
Walang
Itinitimbang.
Ang
Kamang
Kabataang
Pinunta’ng
Sasakyang
Nagwawangwang,
Nagsisigawang:
“Tang
Inang…”
Pinompiyang
Habang
Ginigisa’ng
Paratang
Nanghihinayang
Ang
Makatang
Walang
Natadyakang
Makapangyarihang
Sakang
Walang
Kaganang-
Ganang
Nakiangklang
Papuntang
Alabang
Hanggang
Maabutang
Inuwiang
Sinigang
Nagmistulang
Kamanyang.

A.   Pagkilala sa May Akda

Si Frank Cimatu ay kilala sa tawag na Franklin. Siya ay laki sa Baguio City at siya ay isang makata at mamamahayag.

B.   Kayarian ng Tula
Ang “Sandaang Hakbang Papuntang Malakanyang”ay isang halimbawa ng tulang pasalaysay
A.   Estruktura:

I.              Persona
Ang persona o taong nagsasalita sa tula ay isang mamamayan na humihingin ng pagbabago mula sa pamahalaan.

II.            Sukat at Tugma
Ang tulang “Sandaang Hakbang Papuntang Malakanyang” ay nasa Malayang Taludturan dahil wala itong sinusunod na sukat at hindi isinasaalang alang ang tugma sa bawat taludtod.

III.              Teoryang Pampanitikan
Ang tulang “Sandaang Hakbang Papuntang Malakanyang” ay may teoryang Sosyolohikal dahil nagbibigay ito ng pangunahing halaga sa tao at tumatalakay ito sa mga karanasan ng tao sa iba’t ibang kalagayang panlipunan, pampulitika, pangkultura at pangkabuhayan.

A.   Sariling Puna
                        Ang tauhan sa tula ay isang mamamayan na gustong ipaglaban ang kanyang karapatan sa pamahalaan dahil alam niya na kinakawawa na ang kanyang bayan pero ang iba walang pakialam sa nangyayari. 

Pagsusuri sa Tulang "Ang Babae sa Pagdaralita" ni: Joi Barrios


Pagsusuri sa Tulang
“Ang  Babae sa Pagdaralita”
Ni: Joi Barrios

Babae akong sinasakmal ng kahirapan.
Kahirapan na mistulang
ahas sa damuhan,
maliksi ang galaw,
nagbabadya ang nakasangang dila,
makamandag ang kagat.
Pumupulupot ang ulupong,
itong paghihikahos, sa aking katawan,
at tumatakas ang lakas.
Nakatitig ang walang talukap
na mga mata ng sawa
Nanlilisik,
pagkat batid na walang palya
sa paghatid ng lason
ang pangil na pagdaralita.
Anong gagawin ng babae
sa kanyang karukhaan?
Tumawag kaya kay Darna?
Lipad, Darna, Lipad?
Kristala, Kristala, kami ay iligtas!
Zsazsa Zaturnnah,
Palayain kami, Mama!
Huwag, huwag.
Ang paglaya sa hirap,
ay wala sa bayani ng pantasya.
Nasa ating mga babae ang pakikibaka!
Kung paanong sa gabi at sa araw
ay wala tayong humpay sa paggawa,
Kung paanong magkasabay na lumalaban
at nag-aaruga,
Matibay ang dibdib pagkat mapagkalinga
ang ating pag-ibig.
Sulong at makibaka!
Tagpasin ang ulo ng sawa!
Ang kahirapan ay maiigpawan
Kung ipaglalaban, na ang pagbawi,
ang pag-angking muli,
sa yaman ng bayan.
ay ating karapatan.
Sulong, makibaka,lumaban!

A.   Pagkilala sa May Akda

Mas kilala bilang Joi Barrios sa kanyang mga akda, si Maria Josephine Barrios ay ipinanganak noong Hunyo 26, 1962 sa Lungsod Quezon. Nakamit niya ang kanyang doktorado sa Filipino (Literature) sa Unibersidad ng Pilipinas noong 1998. Kilala rin si Barrios bilang isang makata, aktibista, tagasulat ng senaryo, artista, translator at guro. Sa kasalukuyan ay isa siyang visiting professor sa Philippine Studies Program ng Osaka University of Foreign Studies at kasapi rin siya ng Congress of Teachers and Educators for Nationalism and Democracy (CONTEND).

B.   Uri ng Tula
“Ang  Babae sa Pagdaralita” ay isang halimbawa ng tulang pandamdamin.

C.   Estruktura:

I.              Persona
Ang Persona o taong nagsasalita sa tula ay isang Babae na gustong makalaya sa kahirapan sa buhay.

II.            Sukat at Tugma

Ang tulang “Ang Babae sa Pagdaralita” ay nasa Malayang Taludturan dahil wala itong sinusunod na sukat at hindi isinasaalang alang ang tugma sa bawat taludtod.

III.           Teoryang Pampanitikan
Ang tulang “Ang Babae sa Pagdaralita” ay may teoryang Imahismo, dahil gumagamit ito ng mga imahen upang mas madaling maunawaan ng mga mambabasa ang ano mang damdamin, kaisipan, ideya, saloobin na nais ipahayag ng tula. At mayroon din itong teoryang Feminismo na kung saan nakatuon ito sa mga kababaihan.

D.   Sariling Puna
Ang tauhan sa tula ay isang babaeng nakakaranas ng kahirapan. At gusto niya na makalaya sa kahirapang ito. Pero paano nga ba makakalaya sa kahirapan kong wala namang ginagawang solusyon. Sinasabi sa tula na hindi makakalaya sa kahirapan kong aasa ka lamang sa ibang tao, at sinasabi dito na ikaw mismong sarili mo ay kayang gumawa ng paraan para makaahon sa kahirapan.

Pagsusuri sa Tulang "Mapanglaw ang mga Ilaw sa Calabarzon" ni: Pedro L. Ricarte


Pagsusuri sa Tulang
“Mapanglaw ang mga Ilaw sa Calabarzon”
Ni: Pedro L. Ricarte

May bakas pa sa tubig ng mga pinitak
Ang mga huling silahis ng nakalubog nang araw.
Hindi na sana siya nag-araro pa,
Hindi rin lamang tiyak na matatamnan
Ang lupang itong ipinagbibili na ng may-ari
Sa isang malaking korporasyon ng mga dayuhan.
Ang balita ko’y bilyon ang ibabayad,
At may makakaparti raw siyang sandaang libo.

Nasisiyahan na siya. Siya nama’y kasama lamang.
Sobra pa marahil sa kanya ang tanggaping pera.
Balo na siya, walang anak, walang bisyo.
Sang-ilan pa ba ang kanyang buhay?
Pero dito na siya tumanda, sa lupang itong
Sinaka pa ng kanyang ama at ng mga magulang niyon.

Tumanaw siya sa gawing silangan:
Kaylawak ng lupang lupaing itong pinagyayaman
Ng marami pang katulad niya
Ngunit ipinagbibili na ng mga may-ari.
May mga bukid na nasimulan nang tambakan,
Pero umagos pa sa mga padaluyan
Ang patubig ng gobyerno.

Wala siyang mamumuwangan sa kabuhayang-bansa;
Hindi niya kayang gagapin kung bakit at papaano---
Nadarama lamang niya---ang malaking panghihinayang,
Pangungulila sa pagkawala ng mga berdeng lupain
Na kaygandang pagmasdan, kay timyas bungkalin!

A.    Pagkilala sa May Akda

 Si Pedro L Ricarte ay isang kwentista, mananaysay, mandudula, manunuri at makata. Kasalukuyan isang freelance writer, siya ay nabilang sa patnugutan ng Liwayway sa loob ng sampung taon. ang kanyang kaalaman sa pagsusulat ay kanyang naibahagi sa mga mag-aaral ng LCBA Graduate School sa Calamba, De la SalleUniversity-Manila, Don Bosco at ibang University. Siya ang nagsabi kay Alejandro Abadilla na siya ang “Ama ng Makabagong Tulang Tagalog”. Si Ricarte ay isa sa mga mayroong pinakamatatalas na pag-iisip kaya masasabi din na siya ay isang kritiko ng ibang mga Pilipinong manunula. Naging kilala si Pedro Ricarte noong 1950-1960’s. Ang ilan sa kanyang mga naisulat ay: Boy Nicolas, Siyam na Langit (1962), Samahang Siyete, Aawitan kita, Ala-Suwerte (1959), Hindi Natutulog ang Diyos (1960-1961), Lagablab sa Silangan (1961) at iba pang mga maikling istorya at nobela.

B.   Uri ng Tula

Ang “Mapanglaw ang mga Ilaw sa Calabarzon” ay isang halimbawa ng tulang pasalaysay.

C.   Estruktura:

I.              Persona    
Ang persona o ang taong nagsasalita sa tula ay isang magsasaka na nanghihinayang dahil wala na ang lupaing maberde
na kanilang sinasaka noon dahil ito’y ipinagbili na ng may-ari.

II.            Sukat at Tugma

Ang tulang “Mapanglaw ang mga Ilaw sa Calabarzon” ay nasa Malayang Taludturan dahil wala itong sinusunod na sukat at hindi isinasaalang alang ang tugma sa bawat taludtod.
             
III.            Teoryang Pampanitikan
Ang tulang “Mapanglaw ang mga Ilaw sa Calabarzon” ay may teoryang Eksistensiyalismo dahil ang tauhan sa tula ay nakalilikha ng kahulugan at kabatiran sa magulo, hungkag, at di-umaunawaang uniberso, at binibigyang diin dito ang pagiging kakaiba at pag-iisa ng bawat karanasan sa marahas na kapaligiran at ang pag-iral ng mga tao sa daigdig.

D.   Sariling Puna

Ang tauhan sa tula ay napakasimple lamang, Isa itong magsasaka at masaya na sa pera na matatanggap niya bilang kaparti niya, dahil para sa kanya ang matatanggap niya ay sobra sobra na upang mabuhay siya, dahil siya naman ay isang balo, walang anak, at walang bisyo. Pero sa kabila ng lahat ay may lungkot sa kanyang puso dahil doon na siya tumanda at doon pa din nagsaka ang kanyang ama at ang mga magulang ng kanyang ama. Pati na rin ang iba pa niyang kasamang magsasaka na iyon lamang ang inaasahan ay nawala pa. At nakakapanghinayang din ang mabeberdeng lupain na magandang pagmasdan noon ngayon ay wala na.