Pagsusuri
sa Tulang
“Ang Babae sa Pagdaralita”
Ni:
Joi Barrios
Babae akong sinasakmal ng kahirapan.
Kahirapan na mistulang
ahas sa damuhan,
maliksi ang galaw,
nagbabadya ang nakasangang dila,
makamandag ang kagat.
Pumupulupot ang ulupong,
itong paghihikahos, sa aking katawan,
at tumatakas ang lakas.
Nakatitig ang walang talukap
na mga mata ng sawa
Nanlilisik,
pagkat batid na walang palya
sa paghatid ng lason
ang pangil na pagdaralita.
Anong gagawin ng babae
sa kanyang karukhaan?
Tumawag kaya kay Darna?
Lipad, Darna, Lipad?
Kristala, Kristala, kami ay iligtas!
Zsazsa Zaturnnah,
Palayain kami, Mama!
Huwag, huwag.
Ang paglaya sa hirap,
ay wala sa bayani ng pantasya.
Nasa ating mga babae ang pakikibaka!
Kung paanong sa gabi at sa araw
ay wala tayong humpay sa paggawa,
Kung paanong magkasabay na lumalaban
at nag-aaruga,
Matibay ang dibdib pagkat mapagkalinga
ang ating pag-ibig.
Sulong at makibaka!
Tagpasin ang ulo ng sawa!
Ang kahirapan ay maiigpawan
Kung ipaglalaban, na ang pagbawi,
ang pag-angking muli,
sa yaman ng bayan.
ay ating karapatan.
Sulong, makibaka,lumaban!
A.
Pagkilala
sa May Akda
Mas
kilala bilang Joi Barrios sa kanyang mga akda, si Maria Josephine Barrios ay
ipinanganak noong Hunyo 26, 1962 sa Lungsod Quezon. Nakamit niya ang kanyang
doktorado sa Filipino (Literature) sa Unibersidad ng Pilipinas noong 1998.
Kilala rin si Barrios bilang isang makata, aktibista, tagasulat ng senaryo,
artista, translator at guro. Sa kasalukuyan ay isa siyang visiting professor sa
Philippine Studies Program ng Osaka University of Foreign Studies at kasapi rin
siya ng Congress of Teachers and Educators for Nationalism and Democracy
(CONTEND).
B.
Uri ng
Tula
“Ang Babae sa Pagdaralita” ay isang halimbawa ng tulang
pandamdamin.
C.
Estruktura:
I.
Persona
Ang
Persona o taong nagsasalita sa tula ay isang Babae na gustong makalaya sa
kahirapan sa buhay.
II.
Sukat
at Tugma
Ang tulang “Ang Babae sa Pagdaralita” ay nasa
Malayang Taludturan dahil wala itong sinusunod na sukat at hindi isinasaalang
alang ang tugma sa bawat taludtod.
III.
Teoryang
Pampanitikan
Ang
tulang “Ang Babae sa Pagdaralita” ay may teoryang Imahismo, dahil gumagamit ito
ng mga imahen upang mas madaling maunawaan ng mga mambabasa ang ano mang
damdamin, kaisipan, ideya, saloobin na nais ipahayag ng tula. At mayroon din
itong teoryang Feminismo na kung saan nakatuon ito sa mga kababaihan.
D. Sariling Puna
Ang
tauhan sa tula ay isang babaeng nakakaranas ng kahirapan. At gusto niya na
makalaya sa kahirapang ito. Pero paano nga ba makakalaya sa kahirapan kong wala
namang ginagawang solusyon. Sinasabi sa tula na hindi makakalaya sa
kahirapan kong aasa ka lamang sa ibang tao, at sinasabi dito na ikaw mismong sarili mo ay kayang gumawa ng paraan para makaahon sa kahirapan.
No comments:
Post a Comment